Minamahal kong Nanay, Tatay, Tito, Tita, Lolo, Lola (Canadian Version — Tagalog Translation)

Ito ang bersyong Tagalog ng Letters for Black Lives, isang proyekto para sa mga taga U.S. at Canada para sa paglikha at pagsalin ng mga materyales tungkol sa anti-Blackness para sa mga kommunidad na nagkakaisa sa #BlackLivesMatter at mga kilusan para sa tunay na kalayaan ng mga itim o Black people. Ang mga letra ay isinulat at isinalin ng daan daang tao na gustong magkaroon ng makatotohanan at magalang na usapan kasama ang kanilang pamilya at komunidad tungkol sa sa isang isyu na malapit at mahalaga sa kanila.

Minamahal kong Nanay, Tatay, Tito, Tita, Lolo, Lola:

Mayroon po akong gustong sabihin sa inyo. Marahil ay hindi ninyo nakasama ang mga itim nung lumalaki kayo. Pero para sa akin, mahalagang bahagi sila ng buhay ko: ilan po sa kanila ay aking mga kalaro, kaibigan, kabarkada, kaklase, katrabaho at kapamilya. Ngayon, ako’y lubos na nag-aalala sa kanilang kalagayan.

Kamakailan lang sa U.S., pinatay ng mga pulis ang isang itim na lalaki, si Alton Sterling, habang siya ay nagbebenta ng mga CD sa labas ng isang tindahan. Kinabukasan, pinatay ng pulis ang isa pang itim na lalaki, si Philando Castile, pagkatapos siyang pinatigil para punahin ang kanyang sirang tail light. Kasama niya sa kotse ang kanyang nobya at ang anak niya na apat na taong gulang lamang.

Itong taon pa lamang, mahigit na 500 tao na ang pinaslang ng mga Amerikanong pulisya. Bente-singko porsyento (25%) sa kanila ay itim, kahit na ang mga itim ay bumubuo lamang ng labing-tatlong porsyento (13%) ng pangkalahatang populasyon sa Amerika. Dito sa Canada, ang mga itim ay hinuhusgaan na masama, pinupunterya at minamaltrato ng ating kapulisan, at ang kanilang bilang sa bilangguan ay labis. Kamakailan lamang, sina Andrew Loku, Jermaine Carby, Abdi Hirsi, Jean-Pierre Bony, at marami pang ibang itim, ay binawian ng buhay ng mga alagad ng batas ng Canada. Tandaan din natin sila Jeffrey Reodica, Christian Derro, Charles Dalde, Mao Jomar Lanot, Deeward Ponte at iba pang kabataang Pilipino sa Canada na pinatay o maling hinusgahan ng mga pulis. Kadalasan, hindi napaparusahan ang mga pulis sa pagpatay nila ng mga taong ito.

Ito po ang nakakilakilabot na katotohanang hinaharap bawat-araw ng karamihan sa aking mga kaibigang itim.

Kahit naririnig natin ang mga panganib na hinaharap ng mga itim, ang ating kaisipan at pakiramdam ay inuudiyok tayong mag-pokus sa mga iba’t-ibang paraan kung paano tayo iba sa kanila, at huwag bigyan pansin ang katotohanan, sa halip na makidalamhati sa kanilang kalagayan. Tuwing may nababaril na itim ang mga pulis, madaling isipin na ito ay kasalanan ng biktima, dahil marami tayong naririnig na negatibong kabulaanan tungkol sa kanila sa balita, telebisyon, at mismo sa ating sariling hapagkainan.

Gusto ko pong ipamahagi sa inyo paano ko nakikita ang sitwasyon. Tingin ko po baka magkatulad ang ating pananaw.

Tayo ay dumadanas ng diskriminasyon dito sa Canada dahil sa ating pagiging Asyano at Pilipino. Minsan tayo ay hinuhusgahan dahil sa ating pananalita, dinadamutan ng mga opportunidad dahil sa paningin na hindi natin kaya mamuno. Madami sa ating nakakatanda ay hindi pinagpalad na makapagtrabaho sa kanilang piniling at pinagaralang propesyon dahil ang kanilang edukasyon sa Pilipinas ay hindi kinikilala bilang sapat. Ilan sa atin ay nababaon sa hirap. Ilan sa atin ay trinatratong parang kriminal at pinamumukha na ‘di tayo karapatdapat manirahan dito sa Canada, lalo na ang mga walang papeles o permit at ang mga naghihintay ng kanilang Permanent Residency.

Pero sa kadalasan, hindi binabaril ng mga pulis ang mga anak o magulang natin dahil sa ating lahi, ‘di gaya ng kung paano nila tratuhin ang mga itim at mga Indigenous o mga katutubo ng Canada. Bukod pa sa roon, madalas tayong tinatratong mas mabuti ng mga employer, mga nagpapaupa ng tirahan at mga institusyon kumpara sa pagtrato nila sa mga itim o katutubo.

Ilan ang mga dahilan kung bakit iba ang mga karanasan ng ang ating mga kaibigan na itim. Sa bakasakaling alam niyo na po, sinakop ng mga taga Europa itong kontinenteng ating kasalukuyang tinitirahan, ninakaw ang mga lupain at likas na kayamanan ng mga katutubo at puwersahang kinuha ang mga itim sa Afrika bilang kanilang alipin. Daan-daang taon, ang kanilang mga angkan, pamayanan, pamilya at kahit ang mismo nilang katawan ay sapilitang ginamit at inabuso para sa pansariling pakinabang. Kahit pagkatapos ng slavery, patuloy silang nakakaranas ng diskriminasyon. Noon at ngayon, patuloy na ipinaglalaban ng mga itim ang kanilang mga karapatan sa pagboto, pagbili ng bahay at ari-arian. Noon at ngayon, patuloy silang namumuhay sa gitna ng karahasan.

Sa paglaban ng kanilang mga karapatan, ang mga aktibistang itim ay naglunsad ng kilusan para maisulong ang pagkakapantay-pantay, hindi lamang para sa kanila kundi para din sa atin. Bilang mga Pilipino at may kulay dito sa Canada, kailangan po nating maunawaan na ang mga karapatan na kanilang mga ipinaglaban ay atin ding tinatamasa ngayon. Lubos po nating pasalamatan at kilalanin ang kanilang mga pagpapakasakit at pakikibaka para makamit ang mga pangkalahatang karapatang pantao.

Pare parehas po tayo na lumalaban sa ‘di makatarungan na sistema na naghihikayat na tayo ay makipag-kompetensya at makipaglaban sa isa’t isa. Marami pong itim ay pumunta sa Canada bilang imigrante o refugees, na humahanap ng mas maganda at ligtas na pamumuhay para sa kanila at kanilang pamilya, tulad po ng nakakarami sa atin. Ang ating pasakit at paglaban, kahit man hindi magkaparehas, ay magkaugnay.

Sa lahat po ng mga dahilan na ito, sinusuportahan ko po ang Black Lives Matter at iba pang mga kilusan para sa tunay na kalayaan ng mga itim. Parte po nito ay ang paggamit ng aking boses kapag ako’y nakakakita sa ang aking komunidad — o sa aking sariling pamilya — na nagsasabi o gumagawa ng mga bagay na nagmamaliit sa katauhan ng mga itim. Taos-puso kong sinasabi ang mga ito upang ipa-unawa sa inyo ang kanilang tunay na kalagayan.

Sana po ay makiisa tayong lahat na makiramay sa galit at hapis ng mga magulang, kapatid, asawa, at mga anak na nawalan ng mahal sa buhay dahil sa karahasan ng pulisya. Sana rin po makisama kayo sa aking hinagpis at pagdamay at susuportahan ninyo ako kung pagmagpasiya akong ipahayag ang aking pagtutol sa karahasan ng pulisya sa pamamagitan ng aking boses o sa pamamagitan ng pagprotesta.

Hinihiling ko po na ipakita ninyo itong sulat sa inyong mga kaibigan at himukin silang makisimpatya at gamitin ang kanilang boses para ipahayag ang kanilang pagtutol sa kalupitan ng pulisya. Alam ko po na nakakatakot na magpakita ng pagtutol sa mga alagad ng batas. Gayon pa man, hindi po pwede tayong manatiling tahimik at walang bahid na konsensya habang ang mga buhay ng ating kapwa tao ay nanganganib bawat araw, lalo na sa kamay ng isang sistemang may tungkulin na protektahin tayong lahat.

Sapagkat ako po ay inyong anak, ipinagmamalaki ko kayo at habang-buhay akong magpapasalamat sa inyong mahaba at napakahirap na paglalakbay para makarating dito, at na kayo ay nagbigay ng inyong pawis at dugo sa isang bansa na maaring hindi naging mabuti sa inyo. Alam ko hindi ninyo ninais na pagdaanan ko ang paghihirap na dinanas ninyo. Sa halip, kayo po ay nagtiis at nagsikap dito sa Canada, sa kabila ng prehudisyo at diskriminasyon, para mabigyan ako ng mas mabuting buhay at kinabukasan. Sama-sama tayo dito, at hindi tayo pwede mapanata na tayo ay ligtas hanggat LAHAT ng ating kaibigan, mahal sa buhay, at kapit-bahay ay ligtas rin. Ninanais namin na ang Canada ay maging paraiso para sa lahat, kung saan bawat tao ay maaring manatili dito, malaya sa pangamba ng karahasan ng pulisya at lahat ng uri ng diskriminasyon, katulad ng diskriminasyon sa lahi. Ito ay ang kinabukasan na ninanais ko — sana ay ito rin po ang ninanais ninyo.

Pag-ibig at pag-asa,
Ang inyong mga anak

English translation is immediately below:

Continue reading “Minamahal kong Nanay, Tatay, Tito, Tita, Lolo, Lola (Canadian Version — Tagalog Translation)”